Patuloy na maglilingkod ang mga kasalukuyang miyembro ng Bangsamoro Parliament hangga’t walang utos mula sa Malacañang na nagpapalit o nagtatanggal sa kanila sa kanilang posisyon.
Ito ang paninindigan ni Bangsamoro Member of Parliament Atty. Suharto Ambolodto, MNSA matapos matanong sa naging ekslusibong panayam ng Star FM Cotabato hinggil sa pagpapaliban ng First Bangsamoro Parliamentary Elections. Mula sa orihinal na petsang Mayo 12, itinakda na ito sa Oktubre 13.
Ayon kay Ambolodto, ang Pangulo ng bansa bilang appointing authority ng BARMM Parliament ang may tanging kapangyarihan na magpatanggal o magpalit ng mga miyembro ng parlamento.
Samantala, maaaring mapalitan o mawala sa posisyon ang mga Member of Parliament na tatakbo sa mga lokal na pwesto sa darating na halalan sa Mayo 12.
Dahil dito, nananatili ang kanilang paninindigan na ipagpatuloy ang serbisyo habang wala pang pinal na desisyon mula kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. hinggil sa kanilang kapalaran sa mga susunod na buwan.