Mariing itinanggi ni actress at fashion icon Heart Evangelista ang kumakalat na alegasyon na siya ay umaasa o gumagamit ng pera ng kanyang asawa na si Senator Chiz Escudero.

Sa pamamagitan ng social media, binigyang-diin ni Heart na may kasunduan silang mag-asawa hinggil sa separation of property o hiwalay ang kanilang mga ari-arian. Ani niya, matagal na siyang nagsusumikap sa industriya ng showbiz mula pa noong siya ay 13 anyos, at mahigit tatlong dekada na niyang pinaghirapan ang kanyang sariling kita.

Bukod dito, patuloy ang kanyang matagumpay na career bilang endorser ng mga lokal at international brands. Ayon pa sa kanya, kahit walang nakabantay, patuloy ang kanyang trabaho dahil aniya, “mas higit pa ako sa pagiging asawa ng isang pulitiko.”

Isiniwalat din ni Heart na naging gabay nila ang yumaong dating Senadora Miriam Defensor-Santiago, na itinuring niyang pangalawang ina, upang maisagawa ang kanilang prenup agreement.

Kasabay nito, binalaan niya ang mga nagpapakalat ng pekeng balita na nagsasabing winawaldas umano niya ang pera ni Escudero, na nadadawit ngayon sa flood control controversy matapos umanong tumanggap ng P30 milyon bilang campaign donation mula sa isang kaibigang contractor. Aniya, handa siyang magsampa ng kaso laban sa mga nasa likod ng paninira.