Nagbabala ang Food and Drug Administration (FDA) sa mga umiinom ng herbal dietary supplement na pampalakas ng libido matapos matuklasan sa ilang bansa na nagpositibo ito sa sildenafil citrate, isang prescription drug na ginagamit sa paggamot ng erectile dysfunction sa mga lalaki at ipinagbabawal sa mga food supplement.
Ang kilalang brand name ng gamot na ito ay Viagra.
Ayon sa Food and Drug Administration Advisory No. 2025-0365, na nilagdaan ni FDA Director General Dr. Samuel Zacate, isinagawa ang laboratory analyses sa Drivemax Plus Brand, isang herbal dietary supplement capsule. Napag-alamang may nilalaman itong sildenafil citrate sa mga sumusunod na lot number at expiration date:
- 24581626 (Abril 5, 2026)
- 23521625 (Agosto 8, 2025)
- 23551625 (Nobyembre 8, 2025)
- 24561626 (Enero 22, 2026)
Iniutos ng FDA sa lahat ng law enforcement agencies at local government units na tiyaking hindi maibebenta ang naturang produkto sa mga tindahan o iba pang lugar sa kanilang nasasakupan.
Pinayuhan din ang mga nakagamit ng adulterated na Drivemax capsules na agad kumonsulta sa doktor sakaling makaranas ng mga side effects tulad ng sakit ng ulo, pagtatae, pagkahilo, lightheadedness, impeksyon sa daanan ng ihi (UTI), priapism (matagal na paninigas ng ari), hindi natunawan, pagbabara ng ilong, pantal, at pagbabago sa paningin gaya ng panlalabo o paninilim ng mata.
Ayon sa website ng Drivemax, ito ay isang dietary supplement para sa mga lalaki at babae na ginawa upang mapabuti ang sexual performance gamit ang natural na sangkap gaya ng horny goat weed, ginseng, Tribulus terrestris, tongkat ali, at Gingko biloba.