Naglabas ng matinding pahayag si Cotabato City Mayor Mohammad Ali “Bruce” Matabalao laban sa political analyst na si Richard Heydarian dahil sa umano’y mapanirang stereotype na ibinabato nito laban sa Mindanao.
Ayon kay Mayor Matabalao, nakasasama ang mga pahayag ni Heydarian na naglalarawan sa Mindanao bilang isang mahirap at madilim na lugar. Aniya, hindi na dapat pinapayagan ang ganitong uri ng pananaw na humahadlang sa pagsulong ng rehiyon.
Giit ng alkalde, ang Cotabato City ay patunay ng kaunlaran, mabuting pamahalaan, at aktibong partisipasyon ng mamamayan sa pag-unlad ng kanilang lungsod. Dagdag pa niya, ang Mindanao ay hindi na ang dating nilalarawan ng mga luma at mapanirang pananaw mula sa labas.
Tinuligsa rin ni Matabalao ang pagtatangka ni Heydarian na linawin ang kanyang sinabi, na ayon sa alkalde ay lalo lamang nagpapatunay ng pagkakahiwalay nito sa tunay na kalagayan ng Mindanao.
Dahil dito, nanawagan si Mayor Matabalao sa 17th Sangguniang Panlungsod na magpasa ng resolusyong nagdedeklara kay Richard Heydarian bilang persona non grata sa Cotabato City. Aniya, ito ay isang pahayag na hindi na kailanman tatanggapin ang patuloy na maling representasyon ng Mindanao.
Pahayag ng alkalde, matagal nang ipinaglaban ng mga taga-Mindanao ang kanilang pagkilala at karapatan, at hindi ito dapat mabura ng anumang elitistang ignoransya.