Nagtapos ang matagal nang hidwaan sa pagitan ng dalawang grupo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) matapos idaos ang isang rido settlement sa bayan ng Talayan, Maguindanao del Sur. Pinangunahan ang aktibidad ni Brig. Gen. Edgar L. Catu, pinuno ng 601st Infantry (Unifier) Brigade, katuwang ang mga opisyal ng pamahalaan at MILF-BIAF.

Mismong si Gobernador Datu Ali Midtimbang ng Maguindanao del Sur ang namagitan sa kasunduan ng grupo ni Cmdr. Zainodin Kiaro ng 118th Base Command at Cmdr. Gani Adam ng 128th Base Command.

Dumalo rin sa nasabing okasyon sina Police BGen. Jaysen de Guzman, Regional Director ng PRO-BARMM; Police Col. Sultan Salman Sapal, Provincial Director ng PNP Maguindanao del Sur; MP Butch Malang ng BTA-BARMM at MILF Peace Panel; Hon. Yasser Ampatuan, Board Member ng probinsya; at Mayor Datu Nathanel Midtimbang ng Datu Anggal Midtimbang.

Kasama rin ang mga opisyal ng 601st Brigade gaya nina Lt. Col. Robert Betita ng 1st Mechanized Battalion, Lt. Col. Germen Legada ng 33rd Infantry Battalion, Lt. Col. Loqui Marco ng 90th Infantry Battalion, at Major Fedrick Dela Cruz ng 6th Infantry Battalion. Dumalo rin mula sa panig ng MILF-BIAF sina 118th Base Commander Uztads Abdul Wahid Tundok at 128th Base Commander Uztads Yasser Abdulkadir.

Sa kanyang mensahe, iginiit ni MP Butch Malang, na siya ring Chairman ng MILF-CCCH, na mali ang landas ng dalawang kampo at dapat nang wakasan ang sigalot bago sila mapatawan ng kaukulang aksyon mula sa organisasyon.

Binigyang-diin naman ni Uztads Abdul Wahid Tundok ang kahalagahan ng pagpapatawad, habang nanawagan si Uztads Yasser Abdulkadir na seryosohin at sundin ang kasunduan upang hindi na maulit ang karahasan.

Ayon kay Hon. Yasser Ampatuan, walang mabuting naidudulot ang alitan at dapat nang mamuhay nang mapayapa para hindi maapektuhan ang mga sibilyan. Kaugnay nito, sinabi rin ni Mayor Nathanel Midtimbang na ang patuloy na rido ay sumisira sa imahe ng Bangsamoro at humahadlang sa kaunlaran ng probinsya.

Sa kanyang panawagan, binigyang-diin ni Gobernador Datu Ali Midtimbang na ang pagkakasundo at pagtutulungan ang magbubukas ng pintuan tungo sa pangmatagalang kapayapaan.

Samantala, nagbabala si Police BGen. Jaysen de Guzman na pananagutin sa batas ang sinumang lalabag sa kasunduan at muling sasangkot sa karahasan.

Para kay Brig. Gen. Edgar L. Catu, walang maidudulot na mabuti ang rido lalo na sa mga sibilyan. Giit niya, hindi sila magdadalawang-isip na ipatupad ang nararapat na operasyon laban sa mga lalabag, katuwang ang kapulisan. “Nawa’y maging hudyat ito ng pagkakaisa at tuluyang kapayapaan para sa isang maunlad na pamayanan,” dagdag pa niya.