Isang higanteng sperm whale ang natagpuang wala nang buhay matapos itong mamataang palutang-lutang sa karagatan malapit sa Barangay Taluya, Glan, Sarangani nitong Pebrero 22, 2026, bandang alas-8:30 ng umaga.
Ayon sa ulat ng Philippine National Police Maritime Group sa Sarangani, unang nakapansin sa dambuhalang balyena ang isang miyembro ng Bantay Dagat na agad nagbigay ng impormasyon sa mga kinauukulan.
Matapos ang abiso, mabilis na rumesponde ang mga lokal na awtoridad kasama ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, kabilang ang Sarangani MARPSTA, SOU5, PAMO, MENRO Glan, Philippine Coast Guard, at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources. Inilipat ang bangkay ng balyena patungo sa baybayin ng Tango, Glan upang masuri nang maayos.
Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang sanhi ng pagkamatay ng nasabing marine mammal.

















