Mahigit 1,000 katao ang nakiisa sa isinagawang “Walk for Humanity” noong Agosto 12 sa Cotabato City bilang suporta sa mga adbokasiya para sa karapatang pantao, mapayapang pamayanan, at pagpapalakas ng Bangsamoro.

Pinangunahan ng Philippine Red Cross (PRC) Cotabato City–Maguindanao Chapter ang aktibidad bilang bahagi ng pagdiriwang ng International Humanitarian Law (IHL) Month na layong itaguyod ang paggalang sa makataong batas at mga prinsipyo nito.

Layunin ng aktibidad na magbigay pag-asa sa bawat Bangsamoro at paigtingin ang pagkakaisa para sa kapayapaan at kaunlaran, lalo na sa mga lugar na matagal nang apektado ng kaguluhan. Pinapakita rin nito ang suporta ng mamamayan sa mga inisyatibong nagtataguyod ng katatagan, pagsunod sa makataong batas, at pagpapanumbalik ng normal na pamumuhay sa mga komunidad.

Ang nalikom na pondo mula sa solidarity walk ay ilalaan sa mga programa ng PRC Cotabato–Maguindanao Chapter para sa kahandaan at pagtugon sa sakuna, gayundin sa pagpapalaganap ng kaalaman tungkol sa kaligtasan sa komunidad sa pamamagitan ng pagsasanay at iba pang interbensiyon.

May temang “Galvanizing Commitment to International Humanitarian Law: Challenges and Opportunities in the Asia Pacific Region,” ang aktibidad ay isinagawa sa pakikipagtulungan ng Bangsamoro Government, Pamahalaang Lungsod ng Cotabato, German Humanitarian Assistance, German Red Cross, at Finnish Red Cross.