Umabot sa 21 na mga armas ang isinuko ng mga opisyal ng Local Government Units (LGU) at lokal na kandidato mula sa anim na bayan ng Maguindanao del Sur sa 601st Infantry Brigade nitong Martes ng hapon, Enero 28, 2025, sa Barangay Kabengi, Datu Saudi Ampatuan.
Ayon kay Col. Edgar L. Catu, Commander ng 601Bde, ang mga armas na isinuko ay mula sa mga bayan ng Ampatuan, Datu Abdulla Sangki, Datu Saudi Ampatuan, Datu Unsay, Datu Hoffer, at Shariff Aguak.
“Ito ay patunay ng kanilang suporta para sa ligtas at mapayapang 2025 National and Local Elections at BARMM Parliamentary Elections, gayundin bilang pagsunod sa Small Arms and Light Weapons Management (SALW) Program,” ani Col. Catu.
Isinuko mula sa mga bayan ng Datu Unsay, 1 Cal. 30 M1 Garand Rifle, 1 5.56mm M4 Rifle; Datu Abdulla Sangki, 1 12-gauge Shotgun, 1 M203 Grenade Launcher, 3 9mm Uzi Pistols; Ampatuan 2 7.62 M14 Rifles, 1 Cal. 30 M1 Garand Rifle; Shariff Aguak 1 81mm Mortar, 1 7.62 Ultimax Squad Automatic Weapon, 1 Cal. 30 Sniper Rifle, 1 Cal. 30 M1 Garand Rifle, 2 M79 Grenade Launchers; Datu Saudi Ampatuan 1 7.62 Sniper Rifle, 1 RPG, 1 M79 Grenade Launcher; Datu Hoffer 1 Cal. 30 M1 Garand Rifle, 1 M16 Rifle at 1 Barrett Sniper Rifle.
Pinuri ni Brig. Gen. Donald M. Gumiran, Commander ng JTF Central at 6ID, ang matagumpay na aktibidad na ito sa tulong ng 601Bde, 90IB, 92IB, 33IB, 6CMOBn, Maguindanao del Sur PPO, at COMELEC Maguindanao del Sur.
“Pinupuri namin ang taos-pusong suporta ng mga lokal na kandidato, militar, pulis, at COMELEC sa pagsiguro ng maayos, ligtas, at mapayapang halalan sa 2025,” ani Brig. Gen. Gumiran.