Aabot sa ₱11.7 milyong halaga ng heavy equipment at mineral products ang nasabat ng mga awtoridad matapos mabuwag ang isang iligal na mining site sa Sitio Macau, Barangay Bai Saripinang noong Pebrero 19, 2026.

Pinangunahan ng Mines and Geosciences Bureau Regional Office XII (MGB XII) ang multi-agency operation na nagresulta sa pagkakaaresto ng apat na indibidwal, kabilang ang isang Chinese national. Sa imbestigasyon, lumabas na wala sa mga suspek ang mayroong valid small-scale mining permit at hindi rin sila konektado sa tanging awtorisadong mining contract holder sa lugar na ABN Nature Copper Ore Mining.

Sa isinagawang pagsalakay, nakumpiska ang isang hydraulic excavator, skid steer loader, dump truck, rear bed loader, portable air compressor at iba pang kagamitang pangmina. Ayon sa MGB, malinaw na paglabag ito sa People’s Small-Scale Mining Act of 1991 o Republic Act 7076, na nagtatakda na dapat mano-mano at hindi gamit ang mabibigat na makinarya ang small-scale mining operations.

Bukod sa mga kagamitan, nasamsam din ang 305 sako ng dinurog na mineralized rocks na tumitimbang ng tinatayang 15,250 kilo. Batay sa paunang pagsusuri, ang mga bato ay may quartz at bakas ng pyrite—palatandaan ng posibleng presensya ng ginto at tanso.

Mas ikinabahala pa ng mga awtoridad ang pagkakadiskubre ng 24.5 kilo ng Ammonium Nitrate Fuel Oil (ANFO), isang explosive material na mahigpit na ipinagbabawal sa small-scale mining dahil sa matinding panganib sa kaligtasan.

Dahil sa mga paglabag, naghain na ng kasong kriminal ang MGB XII laban sa mga suspek sa ilalim ng RA 7076. Nakipag-ugnayan na rin ang ahensya sa Bureau of Immigration para sa kaukulang aksyon laban sa naarestong dayuhan.

Isinagawa ang operasyon alinsunod sa Cease-and-Desist Order na inilabas noong Pebrero 5, 2026 ng MGB XII at Provincial Mining Regulatory Board. Katuwang sa operasyon ang Pamahalaang Panlalawigan ng Sultan Kudarat, National Bureau of Investigation, Bagumbayan Municipal Police Station, Sultan Kudarat Provincial Explosive Canine Unit, PNP Second Police Mobile Force Company, at ang Philippine Army.

Iginiit ng mga awtoridad na magpapatuloy ang mas pinaigting na kampanya laban sa iligal na pagmimina upang maprotektahan ang kalikasan at matiyak ang kaligtasan ng mga komunidad sa Sultan Kudarat.