Tinanggihan ng International Criminal Court (ICC) ang hiling ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ma-access ang pribadong komunikasyon sa pagitan ng Registry ng korte at ng mga independent medical experts na nagsuri sa kanyang kakayahang humarap sa paglilitis.
Sa desisyon noong Disyembre 23, 2025, ipinahayag ng Pre-Trial Chamber I na hindi napatunayan ng depensa ang agarang pangangailangan para sa pagbubunyag ng mga email, liham, at iba pang tala sa pagitan ng Registry at medical panel.
Ayon sa ICC, ang Registry ay isang neutral na ahensya na nagsisilbing tagapamagitan lamang at hindi dapat ituring na bahagi ng depensa o prosecution. Binanggit din ng korte na hawak na ng kampo ni Duterte ang lahat ng pangunahing dokumento na ginamit ng panel, kabilang ang mga materyales at gabay na ipinadala noong Disyembre 5, 2025 para sa pagsusuri ng mga eksperto.
Ang pagsusuring medikal ay nauna nang iniutos matapos humiling ang depensa ng indefinite adjournment sa mga pagdinig. Samantala, iginiit ng Office of the Prosecutor na ipagpatuloy ang kaso, at pinanatiling totoo ang paratang na umano’y nagpapanggap si Duterte ng cognitive impairments, na mariing itinanggi ng kanyang kampo.
Si Duterte ay kasalukuyang nakakulong sa ICC detention center sa The Hague at nahaharap sa mga kasong crimes against humanity, kaugnay ng mga extra-judicial killings na naganap sa panahon ng kanyang kampanya kontra droga sa Pilipinas.

















