“Hustisya!” — ito ang sigaw ng pamilya ng isang pitong taong gulang na batang babae matapos siyang gahasain at brutal na patayin ng kanilang sariling kapitbahay na isang security guard sa Barangay Basag, lungsod ng Butuan noong Marso 15.

Ayon sa ama ng biktima, nagsampa na siya ng kaso laban sa pangunahing suspek na kinilalang si Dondon Acedo, 29 taong gulang. Hinala niya, nasa ilalim ng impluwensya ng ilegal na droga ang suspek nang gawin nito ang karumal-dumal na krimen sa kanyang anak.

Dagdag pa ng ama, iniiwasan na niyang makaharap ang suspek dahil sa sobrang galit at takot na baka hindi niya mapigilan ang sarili. Sa ngayon, mas pinagtutuunan na lamang niya ng pansin ang pag-aayos sa burol ng kanyang anak, lalo na ang mga gastusin para sa kabaong at libing nito.

Samantala, ikinuwento ng lola ng biktima na bago pa mangyari ang insidente, umuwi umano ang suspek mula sa pag-inom at dumaan pa sa kanilang bahay bago umuwi upang iligpit ang kanyang gamit sa trabaho.

Base sa ulat ng pulisya, inamin umano ng suspek na bumalik siya sa bahay ng biktima sa pamamagitan ng pagdaan sa bintana ng kanilang banyo. Kinuha niya ang natutulog na bata sa kama, dinala ito sa kanyang bahay, at doon isinagawa ang panggagahasa.

Matapos ang krimen, sinubukan ng bata na tumakas ngunit siya ay hinabol, binugbog, at nilunod umano ng suspek hanggang sa tuluyang bawian ng buhay. Pagkatapos nito, itinapon niya ang bangkay ng bata sa isang tuyong balon.