Mariing itinanggi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pahayag ng China na puppet state umano ng Estados Unidos at mga kaalyado nito ang Pilipinas.
Ito’y kasunod ng puna ng Beijing hinggil sa isinagawang pinagsanib na naval patrol ng India at Pilipinas sa West Philippine Sea. Giit ng Pangulo, may sariling panlabas na polisiya ang bansa at hindi ito kumikilos para sa interes ng ibang estado.
Dagdag pa ni Marcos, tungkulin ng Pilipinas na ipagtanggol ang sarili nitong teritoryo. Kung may mga bansang handang magbigay ng suporta gaya ng Amerika, Australia, at Japan, wala aniya dahilan para ito tanggihan.
Matatandaan, unang pagkakataon na nagsagawa ng maritime cooperation activity sa WPS ang Philippine at Indian Navies — isang hakbang na tinutulan ng China at tinawag ang India bilang “third party” na hindi umano dapat makialam sa sigalot sa karagatan.
Patuloy namang kinokondena ng China ang mga defense cooperation ng Pilipinas sa iba’t ibang bansa, at itinuturing ang usapin sa West Philippine Sea bilang bahagi ng mas malawak na geopolitical tension laban sa Estados Unidos — matagal nang kaalyado ng Pilipinas sa ilalim ng Mutual Defense Treaty.