Huli ang ilang matitigas ang ulong motorista na sangkot sa ilegal na karerahan ng motorsiklo o drag racing sa Barangay Dinaig Proper, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.

Ayon sa Sangguniang Barangay ng lugar, agad nilang isinuko sa Mintex DOS Police Station ang mga hindi pinangalanang suspek upang isailalim sa imbestigasyon.

Mariin ang paalala ng barangay na mahigpit nilang ipinagbabawal ang anumang uri ng iligal na karera ng motorsiklo sa kanilang nasasakupan, dahil bukod sa ito’y labag sa batas, napakadelikado rin ito sa buhay ng mga motorista at ng ibang gumagamit ng kalsada.

Giit pa nila, maaari itong humantong sa malulubhang aksidente, at sa ilang pagkakataon ay maging sanhi pa ng kamatayan.

Dahil dito, muling nanawagan ang pamunuan ng Barangay Dinaig Proper sa publiko na huwag makilahok o magsagawa ng ilegal na karera ng motorsiklo. Anila, hindi sila magdadalawang-isip na ipadampot ang sinumang mahuhuling sangkot at agad itong isusuko sa mga otoridad upang mapanagot sa batas.