Hinuli ng Kabacan Municipal Police Station ang dalawang suspek dahil sa paglabag sa Article 151 ng Revised Penal Code (Resistance and Disobedience to a Person in Authority) at Sections 11 at 12, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, nitong Nobyembre 6, 2025 sa Barangay Kayaga, Kabacan, Cotabato.
Bandang alas-5:00 ng hapon, nagsasagawa ng checkpoint operation (Lambat Bitag) ang alert team ng Kabacan MPS sa pangunguna ni PLT Froilan H. Gravidez, katuwang ang 40th Company Philippine Army, nang mangyari ang insidente.
Batay sa imbestigasyon, habang isinasagawa ang checkpoint bandang 5:30 ng hapon, pinahinto ng mga awtoridad ang isang motorsiklo para sa visual inspection, subalit imbes na tumigil, pinabilis ng drayber ang takbo nito upang iwasan ang checkpoint. Agad namang nasakote ng mga checkpoint personnel ang mga suspek humigit-kumulang 10 metro mula sa lugar.
Sa beripikasyon, nabigong magpakita ng driver’s license at Official Receipt ang drayber. Nang buksan nito ang compartment ng motorsiklo upang ipakita umano ang Certificate of Registration, napansin ng mga pulis ang isang improvised pink plastic container na naglalaman ng isang (1) maliit na sachet ng puting kristal na substansiya at isang (1) improvised glass tube tooter na pinaniniwalaang may shabu traces.
Habang isinasagawa ang body search sa presensiya ng mga testigo na sina Eric John Estolloso (Media Representative ng Sky Radio Mlang) at Hon. Yusoph Mamaluba Mamaluba (Barangay Kagawad ng Kayaga), nadiskubre rin ang dalawang (2) maliit na sachet ng puting kristal na substansiya mula sa bulsa ng backrider.
Ang mga nakumpiskang ebidensiya ay minarkahan at inimbentaryo sa lugar ng insidente, na sinaksihan ng mga naturang testigo. Isusumite ang mga ito sa Provincial Forensic Unit sa Kidapawan City para sa chemical examination.
Kasalukuyang inihahanda ang kaso para sa inquest proceedings sa Office of the Provincial Prosecutor sa Kidapawan City laban sa mga suspek.
Tiniyak ng Kabacan PNP na patuloy itong magsasagawa ng mga operasyon upang sugpuin ang ilegal na droga at mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng komunidad.

















