Dumulog agad ang mga tauhan ng Magpet Municipal Police Station matapos makatanggap ng ulat mula kay Brgy. Chairman Gospel C. Luhong na may isang lalaking nagwawala at armado ng baril sa Sitio Damali, Barangay Ilian nitong Nobyembre 6, 2025.
Ang agarang tugon ng pulisya, sa pangunguna ni PCMS Ryan Pelarion kasama ang mga operatiba at BPATs, ay nagresulta sa mabilis na pagkakaaresto ng suspek na kinilalang si alyas “Den-Den”, 28 taong gulang, residente ng nasabing lugar.
Sa ginawang operasyon, narekober mula sa pagmamay-ari ng suspek ang isang Magnum .357 revolver na may isang buhay na bala. Nabigo umano ang suspek na makapagpakita ng kaukulang dokumento para sa nasabing baril.
Dahil dito, si alyas “Den-Den” ay nahaharap sa kasong paglabag sa Article 155 ng Revised Penal Code (Alarms and Scandals) at Republic Act 10591 (Illegal Possession of Firearm). Siya ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Magpet MPS para sa tamang disposisyon, habang ang narekober na armas ay isasailalim sa ballistic examination sa North Cotabato Provincial Forensic Unit.
Tiniyak ng Magpet Municipal Police Station na patuloy silang magiging matatag sa pagpapanatili ng kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng publiko sa pamamagitan ng mabilis at legal na pagtugon sa anumang banta sa komunidad.

















