Malugod na tinanggap ng Bangsamoro Government ang pag-apruba ng Senado sa panukalang paglilipat ng unang regular parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa Setyembre 14, 2026.
Ayon kay Chief Minister Abdulraof “Sammy” Macacua, ang eleksyon na ito ay magsisilbing unang pagkakataon para ganap na maisabuhay ng mga mamamayan ng Bangsamoro ang kanilang soberanya at maipakita ang paglipat mula sa interim government patungo sa isang demokratikong Parliament.
Nagpasalamat si Macacua sa Senado, lalo na sa mga lider, sponsors, at co-authors ng panukala, sa pagtulong upang maisulong ang mahalagang hakbang para sa rehiyon.
Binanggit din ng Chief Minister na handa at determinado ang Bangsamoro Government na makilahok sa halalan sa darating na Setyembre, na may hangaring mapanatili ang isang mapayapa, kredible, at demokratikong eleksyon na tunay na magsasalamin sa kalooban ng mga mamamayan ng BARMM.
















