Isang hostage-taking incident ang naganap bandang alas-7:50 ng umaga nitong Disyembre 21, 2025, sa Barangay Sabala Manao Proper, Marawi City, na nagresulta sa matagumpay na pagsagip sa biktima at pagkaka-neutralize ng suspek.
Ang biktima ay isang anim na taong gulang na batang babae at residente ng nasabing barangay. Samantala, ang suspek ay isang hindi pa nakikilalang lalaki na tinatayang 28 taong gulang.
Batay sa paunang imbestigasyon, ang suspek, na hinihinalang nasa ilalim ng impluwensiya ng ilegal na droga, ay bigla umanong pumasok sa tirahan ng biktima, sapilitang inagaw ang bata, at tinutukan ng kutsilyo.

Isang pulis mula sa Molundo Municipal Police Station na nagkataong nagjo-jogging sa lugar ang agad rumesponde at sinubukang kausapin ang suspek upang mapalaya ang bata. Gayunman, naging mas agresibo ang suspek nang dumating ang karagdagang mga tauhan ng pulisya mula sa Marawi City Police Station.
Sa gitna ng tensyon, sinimulan umanong saktan ng suspek ang biktima, dahilan upang mapilitan ang rumespondeng pulis na paputukan ang suspek upang mailigtas ang bata. Tinamaan ang suspek at agad na binawian ng buhay.
Agad namang isinugod ang biktima sa Amai Pakpak Medical Center kung saan siya ay idineklarang nasa ligtas na kalagayan ng attending physician, bagama’t nagtamo ng mga sugat. Ang suspek ay dinala rin sa parehong pagamutan subalit idineklarang dead on arrival (DOA).
Kaagad na nagsagawa ng crime scene processing ang mga tauhan ng Regional Forensic Unit (SOCO). Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng Imbestigating Officer upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek, matapos lumabas na hindi siya nakilala ng mga residente sa kalapit na lugar.


















