Patuloy na binabantayan ang Ridge of High Pressure Area o HPA na umaabot sa silangang bahagi ng Hilagang Luzon, na may epekto sa bahagyang pagbuti ng panahon sa ilang bahagi ng bansa.
Samantala, nananatili ring mino-monitor sa labas pa ng Philippine Area of Responsibility o PAR ang Severe Tropical Storm SINLAKU (2604) na huling namataan kaninang alas-3:00 ng madaling araw.
Ayon sa PAGASA, ang bagyo ay nasa layong humigit-kumulang 2,715 kilometro silangan ng Hilagang-Silangang Mindanao.
Taglay nito ang maximum sustained winds na aabot sa 110 kilometro kada oras malapit sa gitna, habang may pagbugsong umaabot naman sa 135 kilometro kada oras.
Ayon pa sa ulat, ang bagyo ay halos hindi gumagalaw o “almost stationary”, kaya patuloy itong mino-monitor kung ito ay lalapit o magbabago ng direksyon papasok sa Philippine Area of Responsibility.
Sa ngayon, wala pang direktang epekto ang bagyo sa alinmang bahagi ng bansa, ngunit pinaaalalahanan ang publiko na manatiling alerto at updated sa mga susunod na weather bulletin.
Samantala, sa Mindanao partikular sa BARMM Region, inaasahan ang partly cloudy hanggang cloudy skies na may pulu-pulong pag-ulan at thunderstorms dulot ng localized thunderstorms.
Babala ng mga otoridad, posible pa rin ang biglaang pagbaha o pagguho ng lupa sa mga lugar na makararanas ng malalakas na thunderstorms.

















