Mula pa noong Setyembre 30, 2025 hanggang sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang Philippine Army (PA) sa kanilang humanitarian assistance at disaster response (HADR) operations kasunod ng magnitude 6.9 na lindol na yumanig sa probinsya.

Aktibo ang mga yunit ng Army sa Search, Rescue, at Retrieval operations katuwang ang mga disaster units ng lokal na pamahalaan sa mga bayan ng Bogo City, San Remigio, Daanbantayan, at Medellin.

Batay sa pinakahuling ulat, nasa 587 tropa mula sa 53rd Engineer Brigade, Joint Task Group Cebu ng 3rd Infantry Division, at mga standby units mula PA Headquarters ang nakatalaga para sa SRR operations, roving support, at clearing operations. Sa kanilang tulong, nailikas nang ligtas ang 292 pamilya mula sa mga bayan ng Carmen, Consolacion, at Sogod, Cebu.
Patuloy na nakikipagtulungan ang Philippine Army sa iba’t ibang ahensya, lokal na pamahalaan, at mga volunteer upang mapabilis ang koordinadong pagtugon sa kalamidad at maisulong ang agarang pagbangon ng probinsya.