Nagbigay ng tulong ang Ministry of Social Services and Development (MSSD) sa limang kababaihan na biktima ng human trafficking sa bayan ng Bongao, Tawi-Tawi, noong Setyembre 9, 2025.
Batay sa ulat ng 1st Special Operations Unit (SOU) Maritime Group, dumating ang mga biktima mula Maynila sakay ng Philippine Airlines noong Setyembre 8. Pagdating sa paliparan, inasahan nilang may susundo sa kanila, ngunit walang dumating. Dahil dito, humingi sila ng saklolo sa Tourism Office at pansamantalang naghanap ng matutuluyan.
Ikinuwento ng mga biktima na sila ay na-recruit online sa pamamagitan ng Telegram, kung saan inalok sila ng libreng travel tour at pangakong trabaho na may sahod na aabot sa ₱50,000. Nang mabigo ang recruiter na tuparin ang usapan at tuluyang mawalan ng komunikasyon, kusang loob silang nagsumbong sa mga awtoridad.
Bandang alas-11:30 ng gabi, nakatanggap ng impormasyon ang 1st SOU Maritime Group mula sa Local Committee on Anti-Trafficking and Violence Against Women and Their Children (LCAT-VAWC) hinggil sa limang biktima na nasa isang apartment sa Barangay Tubig Boh. Agad silang rumesponde, kasama ang iba pang enforcement teams, at nailigtas ang mga biktima. Dinala ang mga ito sa istasyon para sa kaukulang dokumentasyon bago itinurn-over sa MSSD Zamboanga Satellite Office.
Ayon kay Leeshabel C. Adil, pinuno ng nasabing tanggapan, binigyan ng MSSD ang mga biktima ng pagkain, pansamantalang tirahan, at transportasyon papuntang Zamboanga City. Isinailalim din sila sa counseling at binigyan ng impormasyon hinggil sa panganib ng irregular migration at human trafficking.
Sa kasalukuyan, nakikipag-ugnayan ang MSSD sa Recovery and Reintegration Program for Trafficked Persons (RRPTP) ng Zamboanga City upang matiyak na makatatanggap pa ng dagdag na suporta ang mga biktima.