Ayon sa Department of Energy (DOE), hindi pa kailangan ang pagrarasyon ng langis sa Pilipinas dahil nananatiling matatag ang suplay sa bansa.
Bagama’t patuloy ang pagtaas ng presyo at umiinit ang tensyon sa Middle East, tiniyak ng ahensya na may higit 40 araw na imbentaryo ng gasolina at diesel. Mayroon ding mga hakbang na nakalatag upang pigilan ang hoarding at artipisyal na kakulangan.
Iginiit ng DOE na sa kasalukuyan, walang panganib ng kakulangan sa langis, ngunit mas pinaigting ang monitoring sa mga nagtatangkang mag-stockpile para sa ilegal na bentahan.
Kasabay nito, tinitingnan na rin ng gobyerno ang pakikipag-ugnayan sa mga bansang tulad ng Russia at China para sa mas maaasahang suplay ng langis sa hinaharap.
Pinapayuhan din ang publiko na huwag mag-panic buying at i-report sa DOE o sa E-Gov PH app kung makakita ng abusadong gas station.

















