Nahuli ang isang high-value target (HVI) sa isinagawang anti-illegal drug operation ng Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region (PRO BAR) sa Barangay Basak Malutlut, Marawi City, Lanao del Sur nitong Hulyo 11, 2025 bandang alas-12:30 ng tanghali.

Sa naturang operasyon, nasamsam mula sa suspek ang tinatayang 750 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na humigit-kumulang ₱5.1 milyon, kasama ang buy-bust money at isang Yamaha NMAX na motorsiklo.

Pinangunahan ng PSOG/PDEU ng Lanao del Sur Provincial Police Office ang operasyon, katuwang ang iba’t ibang law enforcement units. Ang matagumpay na pagkakaaresto ay bunga ng matagal na surveillance at intelligence monitoring laban sa operasyon ng iligal na droga sa lugar.

Maayos na naisagawa ang imbentaryo ng mga ebidensiya sa harap ng kinatawan mula sa Department of Justice, media, at isang halal na opisyal ng barangay upang matiyak ang pagsunod sa legal na proseso.

Kasulukuyang nasa kustodiya ng Marawi City Police Station ang suspek habang inihahanda ang kaukulang kaso sa ilalim ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Pinuri ni PBGEN Jaysen C. De Guzman, Regional Director ng PRO BAR, ang dedikasyon ng mga operatiba sa matagumpay na operasyon at muling iginiit ang walang humpay na kampanya ng kanilang hanay laban sa ilegal na droga sa buong rehiyon ng Bangsamoro.