Arestado ang isang High-Value Individual o HVI sa magkasanib na operasyon kontra ilegal na droga at loose firearms ng Iloilo City Police Office sa Brgy. Bakhaw, Manduriao, Iloilo City.

Kinilala ang suspek na si alias “Pato,” 26-anyos, binata, construction worker at residente ng nasabing barangay na kabilang sa high-value target ng pulisya.

Isinagawa ang operasyon bandang alas-10:45 ng umaga noong Marso 26, 2026 sa bisa ng search warrant para sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Narekober mula sa suspek ang tinatayang 210 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱1,428,000 na nakalagay sa limang heat-sealed plastic sachet at tatlong knot-tied plastic packs.

Nasamsam din ang isang caliber .38 revolver na walang serial number at limang bala.

Pinuri naman ni Police Brigadier General Josefino D. Ligan, regional director ng PRO 6, ang mga operatiba sa matagumpay na operasyon at iginiit ang patuloy na pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga at armas sa Western Visayas.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 at RA 10591.