Bilang bahagi ng pinaigting na kampanya para sa kapayapaan at seguridad sa komunidad, boluntaryong isinuko ng anim na kapitan ng barangay mula sa Pagalungan, Maguindanao del Sur ang samu’t saring high-powered at improvised firearms sa Pagalungan Municipal Police Station nitong Hulyo 23, 2025.

Isinagawa ang turnover sa mapayapang paraan, sa presensya ng mga barangay konsehal at lokal na pulisya. Ang hakbang na ito ay kaugnay ng localized na suporta para sa pangunahing programa ng Philippine National Police laban sa pagkalat ng mga hindi lisensyadong baril at pampasabog.

Kabilang sa mga isinukong armas mula sa iba’t ibang barangay ang mga homemade na sniper rifle, shotgun, caliber .38 at .45 pistols, 12-gauge single-shot firearms, maging ang improvised grenade launchers gaya ng M203 at M79. Lahat ng mga baril ay walang serial number, indikasyong ito ay mga hindi rehistradong armas.

Ang mga baril ay mula sa mga barangay ng Kudal, Kilangan, Kalbugan, Bagoenged, Inug-ug, at Buliok. Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng Pagalungan Municipal Police Station ang lahat ng isinukong armas at nakatakdang i-turn over sa Maguindanao del Sur Police Provincial Office para sa kaukulang dokumentasyon at legal na proseso.

Pinuri ni Police Brigadier General Jaysen C. De Guzman, Regional Director ng Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region, ang inisyatiba ng mga lokal na opisyal at ng Pagalungan PNP sa matagumpay na pangangasiwa ng aktibidad.

Ayon kay PBGEN De Guzman, ang boluntaryong pagsuko ng mga loose firearms ay malinaw na patunay ng lumalalim na tiwala at pakikipagtulungan sa pagitan ng mga mamamayan, lokal na pamahalaan, at kapulisan sa layuning mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa rehiyon.