Hinamon ni BARMM Interim Chief Minister Abdulraof “Sammy Gambar” Macacua si MBHTE Minister Mohagher Iqbal na ilantad at pangalanan ang mga nasa likod o umano’y mastermind sa likod ng tangkang pagpapaliban ng First Bangsamoro Parliamentary Elections (BPE) na itinakda ngayong Oktubre.

Sa kanyang naging pahayag, iginiit ni CM Macacua na hindi siya tutol sa halalan—sa katunayan, masaya raw siya na matutuloy na ang inaabangang eleksyon sa Bangsamoro region.

Ang matapang na pahayag na ito ay ibinulalas ni Macacua sa panunumpa ng mga bagong halal na opisyal ng Maguindanao del Norte at Maguindanao del Sur, kasunod ng naganap na press conference nina Minister Iqbal at Senator Imee Marcos noong nakaraang linggo sa Senado.

Sa huli, nanindigan si Macacua: “Matutuloy ang halalan.” Aniya, maglalabas din siya ng hiwalay na opisyal na pahayag hinggil sa isyung ito.