Pinamamadali ni Interim Chief Minister Abdulraof Macacua ang pagpasa ng dalawang mahahalagang panukalang batas sa Bangsamoro Parliament: ang Bangsamoro Revenue Code (BRC) at ang Budget System Law (BSL).
Sa kanyang kauna-unahang talumpati sa opisyal na pagbubukas ng Ika-apat na Regular na Sesyon ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) Parliament kahapon, binigyang-diin ni ICM Macacua ang kahalagahan ng agarang pagpasa ng dalawang batas bilang bahagi ng mga pangunahing adbokasiya ng kanyang administrasyon.
Ayon kay Macacua, ang Bangsamoro Revenue Code na lamang ang natitirang priority code na itinuturing na isang comprehensive code na magtatatag ng tunay na awtonomiya sa aspeto ng pananalapi sa rehiyon.
Sa kasalukuyan, nasa period of amendments na sa antas ng komite ang BRC. Nakatakda namang magpulong ngayong Miyerkules ang Committee on Ways and Means upang ipagpatuloy ang deliberasyon ukol dito.
Samantala, tinukoy ni Deputy Speaker MP Omar Sema na may sapat na panahon ang parlyamento upang maipasa ang naturang batas. Dagdag pa niya, dahil may mga bagong miyembro ng parlyamento, inaasahan ang pagpasok ng mga bagong ideya at mungkahi sa plenaryo.
Bukod sa BRC, isusulong din ng parlyamento ang agarang pagpasa ng Budget System Law (BSL) na itinatadhana sa Bangsamoro Organic Law (BOL).
Ayon kay BTA Deputy Floor Leader Jose Lorena, layunin ng BSL na maiwasan ang labis na diskresyon sa paghawak ng badyet—isang isyu na nagiging ugat ng katiwalian.
Itinatakda ng BSL ang wastong proseso sa pagbabadyet, pamamahala ng pondo, at paglikha ng isang treasury account na magtitiyak na bawat sentimo ng pondo ay nagagamit nang maayos at may pananagutan.
Dagdag pa ni Lorena, makatutulong ang pagpasa ng BRC at BSL upang maibalik ang tiwala ng mamamayan sa mga institusyong pampamahalaan ng Bangsamoro.