Ipinahayag ni bagong talagang Interim Chief Minister Abdulraof “Sammy Gambar” Macacua na bilang mga rebolusyonaryo at magkakapatid na halos 54 na taon nang magkakasama, hindi basta-basta nawawala ang anumang hindi pagkakaunawaan sa kanilang hanay.

Aniya, ito ay bahagi lamang ng normal na daloy sa anumang grupo, ngunit tiyak na kayang ayusin at mapagkasunduan.

Ang pahayag ay kaugnay ng mga ulat na mayroong tampuhan umano sa pagitan nila nina dating Interim Chief Minister Alhaj Murad Ebrahim at MBHTE Minister Mohagher Iqbal kasunod ng kanyang pagkakatalaga bilang bagong pinuno ng Bangsamoro government.

Ayon kay Macacua, noong Martes, Marso 18, ay personal siyang nakipag-usap kina Ebrahim at Iqbal upang pormal na magpaalam sa kanyang pag-upo bilang bagong ICM.

Tumanggap naman umano ng maayos ang dating ICM at si Minister Iqbal ang kanyang pormal na pag-asume sa tungkulin.

Samantala, iginiit din ni Macacua na nananatiling buo ang suporta ng pamunuan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa kanyang liderato bilang Interim Chief Minister ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).