Bilang tugon sa mga isyu ng karahasan, dayaan, at vote buying sa rehiyon ng Bangsamoro, pormal na inilunsad noong Mayo 5 ang Independent Election Monitoring Center (IEMC) sa lungsod ng Cotabato.

Ayon kay Ms. Khuzaimah S. Maranda, Executive Director ng Coalition Advances Social Accountability and Transparency (CSAT), ang IEMC ay binubuo ng iba’t-ibang Civil Society Organizations (CSOs) at local networks na magsisilbing katuwang sa pagbabantay ng halalan.

Layunin nitong maghatid ng mga makabuluhang ulat at alternatibong pinagmumulan ng impormasyon ukol sa mga insidente ng karahasan at iregularidad sa eleksyon.

Ani Maranda, “Hindi kayang saklawin ng pamahalaan ang bawat sulok ng rehiyon sa pagbabantay ng eleksyon. Kaya narito ang IEMC upang punan ang puwang na ito at magsilbing katuwang para sa mas maayos na pangangasiwa ng halalan.”

Ipinakilala rin sa paglulunsad ang Incident Management System at isang data center, na siyang tututok sa mabilisang pagtanggap at pagproseso ng mga election-related incidents. Ang mga impormasyong makakalap ng IEMC ay inaasahang makatutulong sa mga kinauukulan sa paggawa ng tamang desisyon at estratehiya, upang mapanatili ang integridad ng eleksyon sa rehiyon.

Sa kabila ng mga banta ng kaguluhan, buo ang paniniwala ng mga CSOs na sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos at makabagong teknolohiya, masisiguro ang malinis, mapayapa, at makatarungang halalan para sa Bangsamoro.