Nagulat ang ilang poll watchers at election observers sa naging resulta ng isinagawang Final Testing and Sealing (FTS) ng mga Automated Counting Machines (ACM) kahapon sa Darping Elementary School, Kalanganan 1, Cotabato City.

Ayon sa ulat, sinadya ng ilang watchers na markahan ng check at ekis ang mga bilog sa tabi ng pangalan ng mga kandidato sa halip na i-shade ito nang maayos sa kanilang testing ballots.

Sa unang halimbawa, isang watcher ang naglagay ng check mark sa pangalan ng siyam na senador at iniwang blangko ang tatlong posisyon. Samantala, sa posisyon ng pagka-alkalde, nag-overvote ito ng dalawa. Nang ipinasok sa ACM, binasa ng makina ang balota at lumabas sa resibo ang siyam na ibinotong senador, tatlong undervotes, at overvote para sa pagka-alkalde.

Sa isa pang test, isang watcher ang naglagay ng ekis sa mga bilog para sa limang senador, shinade nang maayos ang isa, at pumili ng dalawang partylist. Sa resulta, itinuring na undervote ng makina ang limang inekisan at overvote naman sa partylist.

Bagaman may ilang isyung lumabas, naging maayos at matagumpay sa kabuuan ang FTS ng mga makina at ballot boxes na gagamitin sa lungsod para sa halalan.

Samantala, bantay-sarado naman ng PNP at mga kasundaluhan ng Marines ang mga parapernalyang halalan na nakaimbak na sa mga paaralan para sa Lunes na eleksyon.

Photo for illustration purposes only.