Matagumpay na entrapment operation ang isinagawa ng Philippine National Police (PNP) laban sa iligal na bentahan ng baril sa Brgy. Bayanga Norte, Matanog, Maguindanao del Norte. Pinangunahan ito ni Acting Chief PNP, Police Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez Jr., bilang bahagi ng pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa paglaganap ng loose firearms.
Arestado sa operasyon ang isang 46-anyos na magsasakang umano’y konektado sa isang armadong grupo at sangkot sa ilegal na transaksyon ng mga baril. Ang operasyon ay isinagawa ng CIDG Cotabato CFU katuwang ang iba pang CIDG units at Matanog Municipal Police Station, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na sugpuin ang mga ilegal na armas sa bansa.
Nagpanggap na mamimili ang mga operatiba upang maabutan ang suspek sa aktong pagbebenta ng baril at bala nang walang kaukulang permiso. Narekober mula sa kanya ang isang M14 rifle, isang Colt M16 rifle, boodle money, at buy-bust cash. Nagkaroon ng panandaliang komprontasyon matapos umanong manlaban ang suspek, dahilan upang magkaroon ng minor injuries ang magkabilang panig.
Sinaksihan ng isang opisyal ng barangay ang imbentaryo ng mga ebidensya upang matiyak ang transparency ng operasyon. Gumamit din ng alternative recording devices ang mga pulis bilang bahagi ng standard protocol.
Ayon kay Acting Chief PNP Lt. Gen. Nartatez, “Ipinapakita ng operasyong ito na hindi natin kukunsintihin ang pagkalat ng mga iligal na baril na naglalagay sa publiko sa panganib. Hahabulin natin ang mga lumalabag sa batas at ang kanilang mga kasamahan hanggang sila ay makulong.”
Sinundan ito ng pahayag ni PNP Spokesperson Police Brigadier General Randulf T. Tuaño: “Ang tagumpay ng operasyong ito ay repleksyon ng pagiging mapagmatiyag ng ating mga tauhan, pati na rin ng mahalagang suporta ng komunidad. Ang kaligtasan ng publiko ay responsibilidad nating lahat, at pinatutunayan ito ng resulta ngayon.”
Ipinaalam sa suspek ang kanyang mga karapatan alinsunod sa Konstitusyon at RA 9745 o Anti-Torture Act of 2009. Siya ay kasalukuyang nasa kustodiya ng CIDG Cotabato CFU para sa dokumentasyon bago iharap sa korte. Kakaharapin niya ang mga kasong paglabag sa Section 32 ng RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at Article 151 ng Revised Penal Code (Resistance and Disobedience to Persons in Authority).
Patuloy na nagpapaalala ang PNP na nananatili itong nakatuon sa pagprotekta sa publiko, pagpapatupad ng batas, at pagsugpo sa banta ng iligal na pagmamay-ari at bentahan ng baril sa bansa.

















