Pinangunahan ni Atty. Mohammad Nabil Mutia, ang Provincial Election Supervisor ng Maguindanao del Norte, ang pagbaklas ng mga tarpaulin ng mga kandidato na hindi sumusunod sa tamang panuntunan ng Commission on Elections (COMELEC).

Ginawa ito ngayong araw, Martes, Pebrero 11, 2025, ang unang araw ng kampanya para sa mga kandidato sa pambansang posisyon.

Maraming mga kandidato ang naglalagay ng kanilang mga poster at tarpaulin upang makahikayat ng suporta mula sa mga botante. Ngunit, may ilan na hindi sumusunod sa tamang sukat at tamang lugar kung saan dapat idikit ang kanilang mga campaign materials.

Dahil dito, sinimulan ng COMELEC ang tinatawag na Synchronized Operation Baklas, kung saan inaalis ang mga campaign materials na hindi nakalagay sa tamang lugar o hindi akma sa itinakdang sukat. Ang operasyon ay unang isinagawa sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte, ngunit inaasahan itong ipagpapatuloy sa iba pang bayan ng lalawigan.

Ayon kay Atty. Mutia, mahigpit nilang ipatutupad ang patakaran ng COMELEC upang masiguro ang patas at maayos na eleksyon.

Aniya, ang mga kandidato ay may itinalagang common poster areas kung saan sila maaaring maglagay ng kanilang mga campaign materials. Ang mga poster na inilagay sa pampublikong lugar gaya ng puno, poste, pader ng paaralan, at pampublikong gusali ay kailangang tanggalin.

Nagpaalala rin ang COMELEC sa lahat ng kandidato at kanilang mga tagasuporta na sumunod sa mga alituntunin upang maiwasan ang posibleng parusa.

Patuloy nilang babantayan ang iba pang lugar upang matiyak na walang lalabag sa patakaran.

Samantala, umaasa ang COMELEC na magiging maayos at mapayapa ang buong panahon ng kampanya hanggang sa araw ng eleksyon.