Patuloy ang masusing pagsisiyasat ng PNP Polomolok at MDRRMO kaugnay sa trahedyang naganap sa Purok Matulungin, Barangay Magsaysay nitong Martes, Abril 7, 2026.

Batay sa impormasyon mula kay OIC MDRRM Officer Engr. Jonathan Fabulare, rumesponde ang mga awtoridad matapos makatanggap ng ulat tungkol sa malalim na paghuhukay na walang pahintulot mula sa pamahalaan.

Pagdating sa lugar, natuklasan ng BFP Special Rescue Unit, MDRRM team, at PNP ang isang excavation site na tinatayang umaabot sa 80 hanggang 100 talampakan ang lalim.

Lumabas sa paunang imbestigasyon na higit dalawang linggo nang hinuhukay ang nasabing lugar gamit ang backhoe dahil sa hinalang may nakatagong kayamanan doon.

Subalit biglang gumuho ang mabuhanging bahagi ng lupa sa gitna ng operasyon na nagresulta sa pagkakabaon ng operator.

Sa kabila ng delikadong kondisyon, naisagawa ang retrieval operation at narekober ang biktima, ngunit wala na itong buhay nang matagpuan.

Samantala, muling nagpaalala si Punong Barangay Em-em Labrador kasama ang lokal na pamahalaan na ang iligal na paghuhukay ay hindi lamang paglabag sa batas kundi nagdudulot din ng matinding panganib sa buhay at kaligtasan ng komunidad.