Isa na namang trahedya ang yumanig sa India matapos bumagsak ang isang helicopter sa Himalayan state ng Uttarakhand, nitong Linggo ng umaga, Hunyo 15, 2025.

Batay sa ulat, nangyari ang insidente bandang alas-5:30 ng umaga sa bahagi ng Gaurikund sa Rudraprayag district. Lulan ng helicopter ang pitong katao—anim na pasahero na pawang mga deboto at isang piloto. Lahat ay nasawi sa trahedya, kabilang ang isang dalawang taong gulang na batang babae.

Kinumpirma ni Uttarakhand Chief Minister Pushkar Singh Dhami ang insidente at nagpahayag ng pakikiramay sa mga naulila.

Inaalam pa ang puno’t dulo ng aksidente, ngunit tinukoy na posibleng sanhi nito ang masamang lagay ng panahon at mababang visibility habang nasa biyahe ang helicopter patungong Guptkashi mula sa Kedarnath, na bahagi ng Char Dham pilgrimage route.

Ang trahedyang ito ay nangyari lamang tatlong araw matapos ang isa pang malagim na insidente sa India, kung saan bumagsak ang isang Air India plane sa Gujarat na ikinamatay ng mahigit 270 katao.