Umakyat sa 1.3 porsyento ang headline inflation rate para sa bottom 30% income households sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) nitong Enero 2026, ayon sa pinakahuling ulat ng Philippine Statistics Authority–BARMM na inilabas noong Pebrero 11, 2026.
Batay sa datos ng PSA-BARMM, ito ay malaking pagtaas kumpara sa -1.2 porsyento na naitala noong Disyembre 2025. Ipinapakita rin ng talaan na mula Enero hanggang Disyembre 2025 ay nanatili sa negatibong antas ang inflation rate bago tuluyang bumalik sa positibong teritoryo ngayong Enero 2026.
Sa breakdown ng inflation rates ayon sa commodity group para sa Enero 2026, nanguna ang Restaurant and Accommodation Services na may 4.6 porsyento mula sa 3.0 porsyento noong Disyembre 2025. Sumunod ang Education Services na may 4.4 porsyento, habang 4.0 porsyento naman sa Alcoholic Beverages and Tobacco.
Nasa 2.8 porsyento ang Health; 2.2 porsyento ang Clothing and Footwear; at 2.1 porsyento ang Furnishing, Household Equipment at Routine Maintenance of the House. Umabot naman sa 1.9 porsyento ang Personal Care and Miscellaneous Goods and Services, habang 1.8 porsyento ang Housing, Water, Electricity, Gas and Other Fuels.
Naitala rin ang 0.8 porsyento sa Food and Non-Alcoholic Beverages, 0.4 porsyento sa Information and Communication, at 0.4 porsyento din sa Recreation, Sports and Culture. Samantala, nanatili sa 0.0 porsyento ang Financial Services.
Tanging Transport ang nakapagtala ng negatibong inflation sa -0.6 porsyento, mas mababa kumpara sa -0.4 porsyento noong nakaraang buwan.
Ayon sa PSA, ang inflation rate ay tumutukoy sa bilis ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo batay sa Consumer Price Index (CPI), na sumasalamin sa pagbabago ng halaga ng karaniwang basket ng mga produkto at serbisyong kinokonsumo ng mga kabahayan.
Home Local News Inflation rate sa Bangsamoro Region, tumaas; Mga services at ilang pagkain, nagsimahalan

















