Patuloy ang isinasagawang internal cleansing o panlimpio de gobyerno sa Cotabato City Government upang masiguro ang maayos na serbisyo sa publiko.
Ayon kay Cotabato City Mayor Bruce Matabalao, nakatuon ang paglilinis sa mga empleyadong hindi maayos na nagganap sa kanilang tungkulin bilang lingkod-bayan. Ilan sa mga Contract of Service (COS) workers sa lungsod ang hindi na nirenew ang kanilang kontrata dahil sa paulit-ulit na paglabas-pasok sa opisina at hindi pagtupad sa kanilang responsibilidad.
Giit ng alkalde, ang hakbang na ito ay hindi upang magtanggal ng empleyado nang walang basehan, kundi upang matiyak na ang serbisyo ng mga kawani ay epektibo at maayos para sa mga taga-lungsod.
Samantala, magsasagawa muna ang Cotabato City Government ng dalawang linggong obserbasyon sa mga City Appointees na nagsumite ng courtesy resignation. Ayon kay Mayor Matabalao, kung hindi maayos ang performance ng mga indibidwal na nagpasa ng kanilang resignation sa loob ng obserbasyon, agad itong tatanggapin at aaprubahan.
Maalala na naglabas ng Memorandum Circular ang Office of the City Mayor na nag-aatas sa lahat ng appointees na magsumite ng courtesy resignation upang masuri ng opisina ang kanilang performance at pagtupad sa tungkulin.

















