Nakipagpulong si Isabela City Mayor Sitti Djalia A. Turabin-Hataman sa Globe Telecom President at CEO Carl Cruz kasama ang ilang matataas na opisyal ng kumpanya upang talakayin ang pinalakas na broadband at fiber expansion na layong madugtungan ang mas maraming kabahayan at maliliit na negosyo sa Isabela de Basilan.
Ipinahayag ni Mayor Hataman ang suporta ng lokal na pamahalaan, lalo’t tugma umano ang proyekto sa patuloy na paglago ng ekonomiya ng lungsod, na nagtala ng 31% na pagtaas ng business activity kumpara noong nakaraang taon. Tiniyak niyang bibilis ang pagproseso ng aplikasyon at implementasyon ng mga proyekto, alinsunod sa mga umiiral na regulasyon.
Ayon sa Globe, nagsimula ang taon na may siyam na on-air cell sites sa lungsod at nadagdagan pa ito ng walo. Tatlong bagong sites pa ang nakatakdang matapos bago matapos ang 2025. Samantala, 12 bagong sites ang target maitayo sa 2026—tatlo rito ay may permit na, pito ang naghihintay ng LGU approval, at dalawa ang nasa acquisition stage.
Patuloy din ang pagpapalawak ng broadband at fiber-to-the-home (FTTH) network ng kumpanya. Mula 112 lines, inaasahang aabot ito sa 432 lines bago magtapos ang taon, habang may karagdagang 1,100 lines na ikakabit sa 2025 gamit ang Quick ODN technology para sa mas mabilis na deployment.
Ibinahagi rin ng Globe ang progreso ng kanilang Submarine Cable Program, na magtatayo ng landing station sa Isabela City upang tugunan ang lumalaking data traffic sa BASULTA region. Nakatakda ang marine survey pagsapit ng unang quarter ng 2026 at target ang full construction sa second quarter ng 2027.
“Fixed broadband remains a key growth driver for us… it’s about powering homes, uplifting enterprises, and fueling the broader digital economy,” ayon kay Cruz.
Batay sa Digital 2025 Report, halos siyam na oras kada araw ang ginugugol ng mga Pilipino online. Gayunman, isang-katlo lamang ng mga kabahayan ang may fixed broadband ayon sa DICT—patunay ng patuloy na connectivity gap sa bansa.
Upang tugunan ito, pinalalakas ng Globe ang kanilang GFiber offerings, kabilang ang GFiber Prepaid na nagtala ng 53% pag-angat noong unang quarter ng 2025 at ngayon ay umaabot na sa 400,000 kabahayan. Sa kabuuan, may 1.83 milyong broadband subscribers na ang Globe sa buong bansa.
Binibigyang-diin ng kumpanya na ang malawakang rollout ay suporta sa National Broadband Plan at pagtulong sa mga Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDAs). Mahigit 600 bayan sa 70 probinsya na ang nailipat sa full fiber connectivity, kapalit ng lumang copper lines.
Sa nakalipas na tatlong taon, umabot sa P228 bilyong capital expenditures at P236 bilyong operating expenses ang inilaan ng Globe para sa network modernization.
“We’re not just building faster connections—we’re building a more inclusive, more connected Philippines,” dagdag pa ni Cruz.
Nagpasalamat ang Globe sa suporta ni Mayor Hataman at ng lokal na pamahalaan, na anila’y mahalaga sa paghahatid ng mas mabilis at mas maaasahang koneksyon sa mga residente ng Isabela de Basilan sa mga darating na taon.

















