Pinaalalahanan ng Integrated Provincial Health Office (IPHO) ng Maguindanao del Norte ang lahat ng pampubliko at pribadong ospital sa lalawigan na tiyaking may nakahanda silang isolation facilities para sa mga posibleng kaso ng Monkeypox o MPOX.

Sa isang pulong-balitaan, sinabi ni Patjayson Mohammad, Head ng Epidemiology and Surveillance Unit ng IPHO-MagNorte, na kailangang nakahanda na ang mga pagamutan bago pa man magkaroon ng aktibong kaso ng naturang sakit sa probinsya.

Tiniyak naman ni Mohammad na may sapat na kakayahan ang mga health workers sa lalawigan sa paghawak ng MPOX cases, dahil sumailalim na ang mga ito sa mga kinakailangang pagsasanay at training ukol dito.

Batay sa pinakahuling tala, dalawang kumpirmadong kaso ng MPOX ang naitala sa Maguindanao del Norte—isa rito ang nakarekober na. May walong indibidwal din na itinuturing na suspected cases at kasalukuyang naghihintay ng kanilang laboratory results mula sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa Maynila.

Karaniwang umaabot ng isang linggo ang paghihintay bago lumabas ang resulta mula sa punong tanggapan ng RITM, kung saan sinusuri ang mga isinumiteng specimen.