Pinabulaan ni Bangsamoro Higher Education Minister at MILF Vice Chairman Mohaqher Iqbal ang mga umiikot na isyu na posibleng magkagulo sa rehiyon kung matalo ang MILF sa nalalapit na halalan sa BARMM.
Sa naging pahayag niya sa General Assembly ng MILF, inihalintulad ni Iqbal ang naturang isyu sa isang “multo” na puro lamang ugong-ugong at walang dapat ikabahala. Aniya, wala itong basehan at hindi dapat palakihin.
Ipinunto rin ni Iqbal ang pahayag ni MILF Chairman Ahod “Murad” Ebrahim na ang kasalukuyang yugto ng kanilang pakikibaka ay nasa demokratikong antas na—na ang laban ay sa pamamagitan ng eleksyon, hindi armas.
“Wala na tayong bala, balota na ang ating sandata,” ani Iqbal, na tumutukoy sa nalalapit na kauna-unahang parliamentary elections ng BARMM na nakatakda sa Oktubre 2025.
Dagdag pa niya, hindi kailanman naghangad ang MILF ng kaguluhan. Bagkus, matagal na nitong ipinaglalaban ang hustisya, kapayapaan, at pagwawakas ng opresyon sa Bangsamoro.
“Ang MILF ay hindi tagapaghasik ng lagim kundi tagapagtanggol ng karapatan at katarungan,” giit pa ni Iqbal.