Patay ang isang construction worker habang agaw buhay sa bahay pagamutan ang dalawa nitong kasamahan matapos na makuryente sa bahagi ng Crossing T’boli, Barangay Libertad sa bayan ng Surallah, South Cotabato dakong alas 2:30 ng hapon nitong Oktubre 23.

Kinilala ng rumespondeng yunit ng Surallah LGU ang nasawi na si alyas “Ian”, 23 anyos at residente sa bayan ng Banga habang ang mga agaw buhay na kasamahan nito sa pagamutan ay kinilala na sina Roberto, 51 anyos isang welder at Rafael, 37 anyos at karpentero.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Surallah MPS, nagsasagawa ang tatlo ng pagkakabit ng poste ng solar street light sa lugar ng aksidenteng matamaan nito ang mainline ng kuryente dahilan upang makuryente ang mga ito.

Agad na dinala sa pagamutan ang tatlo ngunit agad na nasawi si Ian sa insidente habang ang dalawa naman ay pawang na nagpapagaling sa pagamutan.