Kinumpirma ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central ang pagkamatay ni Corporal Junie C. Mangalay Jr., kasapi ng 90th Infantry (Bigkis-Lahi) Battalion at residente ng Tupi, South Cotabato, matapos ang engkwentro laban sa mga kasapi ng Dawlah Islamiyah–Hassan Group sa Sitio Bagurot, Barangay Tuayan Mother, Datu Hoffer Ampatuan, Maguindanao del Sur, nitong Martes, Enero 27, 2026.
Ayon sa ulat, napahiwalay si Cpl. Mangalay mula sa kanyang yunit habang nakikipaglaban sa mga armado, dahilan upang maglunsad ng masusing search at clearing operations ang mga tropa ng 90IB.
Kasabay ng pagkumpirma sa pagkasawi, tiniyak ng 6ID at JTF Central na nagpapatuloy ang mga operasyon upang panagutin ang mga responsable at maiwasan ang karagdagang banta sa seguridad ng mga sibilyan. Mahigpit rin ang koordinasyon sa lokal na pamahalaan at komunidad upang mapanatili ang kapayapaan sa lugar.
Ayon pa sa 6ID at JTF, ang pangyayari ay paalala sa lahat ng handang mag-alay ng buhay upang maprotektahan ang sambayanan, at ang pamumuno at dedikasyon ng nasawing sundalo ay magsisilbing inspirasyon sa kanyang mga kasamahan.
Patuloy ang monitoring sa lugar habang ang pamilya ni Cpl. Mangalay ay binibigyan ng kaukulang suporta at kapanatagan mula sa militar.

















