Patay ang isang hinihinalang sangkot sa pamamaril at pagnanakaw ng motorsiklo matapos umanong manlaban sa isinagawang police operation kagabi sa Barangay Mirab, Upi, Maguindanao del Norte, bandang alas-onse ng gabi.

Kinilala ang nasawi bilang si Arief, ayon kay Vice Mayor Datu Bobsteel Sinsuat. Sinubukan munang pakiusapan ng pulisya ang suspek na sumuko, ngunit sa halip ay nanlaban ito, na nauwi sa engkwentro at pagkaka-neutralize sa kanya. Agad siyang dinala sa Datu Blah District Hospital, ngunit idineklara nang dead on arrival.

Patuloy pa rin ang paghahanap ng mga awtoridad sa isa pang kasamahan ng nasawi, na itinuturing ding sangkot sa parehong pamamaril at pagnanakaw ng motorsiklo. Ang dalawang suspek ay konektado rin umano sa pamamaril sa anak ng isang barangay kagawad sa parehong lugar.

Nanawagan ang lokal na pamahalaan sa publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad at iginiit ang pagpapatibay ng mga hakbang laban sa kriminalidad sa Datu Odin Sinsuat.