Humabol pa sa taong 2024 ang isang malagim na trahedya matapos na pasabugan ng granada ang isang peryahan sa bayan ng Matalam, North Cotabato.
Sa naging ulat ni Matalam Vice Mayor Ralph Rafael, naganap ang pagsabog 11:50 ng gabi, Disyembre 31, 2024 na siyang bisperas ng Bagong Taon sa peryahan sa Sitio Condring sa Barangay Marbel ng nasabing bayan.
Kinilala naman ng Matalam PNP ang nasawi sa insidente na si Romel Cabiso Presto na residente din sa nabanggit na lugar habang patuloy naman na nagpapagaling sa bahay pagamutan ang limang di pa kinilala na biktima.
Dahil dito, hinikayat ng bise alkalde ang publiko na maging maingat at alertado para sa kaligtasan ng buhay at nakararami lalo’t maraming masasamang loob at halang ang kaluluwa na naglipana at kung mayroon mang nalalamang ganitong uri din ng karahasan o trahedya ay wag magatubiling tumawag ng tulong sa autoridad o may kapangyarihan.