Inaresto ng mga awtoridad sa General Santos City PNP ang isang guro at coach ng volleyball team matapos ang reklamo ng panghihipo sa isang 17-anyos na batang lalaki sa loob ng isang betting area sa lungsod.

Kinilala ang suspek bilang si alyas “Roger”, 43 anyos, isang guro at head coach ng isang women’s volleyball team. Ayon sa biktima, nangyari ang insidente sa madaling araw nang maramdaman niyang hinuhubad ng suspek ang kanyang boxer shorts at hinahawakan ang kanyang ari.

Inilarawan din ng biktima na parehong ginawa ito ng suspek sa iba pang mga kasamahan.

Agad na nagsumbong ang biktima at ang kanyang mga kasama sa pinakamalapit na police station. Matapos matanggap ang reklamo, mabilis na kumilos ang kapulisan at inaresto ang suspek.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Acts of Lasciviousness kaugnay ng Republic Act 7610 (Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act). Kasalukuyan siyang nakapiit sa General Santos City PNP habang isinasagawa ang mga kaukulang legal na hakbang.