Isang estudyante ng kursong Psychology ang di na makakapagtapos ng pagaaral matapos masawi habang tatlo naman ang sugatan matapos masangkot ang mga ito sa isang aksidente ngayong unang araw ng Agosto sa lungsod ng Kidapawan partikular na sa Barangay Paco.

Sa ulat, kinilala ang biktimang nasawi na si Benedict Paolo na estudyante ng North Valley College Foundation Inc. sa lungsod habang kinikilala pa ang pagkakakilanlan ng isa pang biktima na senior citizen at isang high school student.

Sa salaysay ng nakasaksi sa disgrasya, sakay sa trisikel ang college student kasama ang tatlo pang biktima patungong Barangay Binoligan ng walang kaabog abog na bundulin ito ng isang humaharurot na SUV sanhi upang maganap ang disgrasya.

Sa lakas ng impact, tumilapon ang trisikel sa kanal habang tumama pa sa windshield si Benedict at inatrasan pa ng driver ng SUV ang biktima sanhi upang matuluyan ito na mamatay. Matapos ang aksidente, tumakas ang driver ng SUV at iniwan nito ang kanyang sasakyan sa pinangyarihan ng aksidente.

Sa ngayon nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Traffic Section ng kapulisan ng lungsod upang matukoy ang pangalan ng iba pang mga biktima maging ang driver na tumakas sa pananagutan.