Sinusulong ang rumaragasang tubig, tulong-tulong ang bawat isa, basa ang mga estudyante papasok o pauwi mula sa kanilang paaralan, ‘yan ang sitwasyon ng isang brgy. sa South Upi, Maguindanao del Sur, makatawid lamang sa ilog.

Sa ipinaabot na video ng isang residente ng South Upi sa Star FM Cotabato kahapon, makikita na inaalalayan ang mga estudyante na makatawid sa isang ilog habang rumaragasa ang tubig.

Nananawagan ang Teduray Communities sa Brgy. Kigan, South Upi, Maguindanao del Sur sa Ministry of Public Works ng BARMM at sa Tanggapan ni Chief Minister na mapagawaan sila ng maayos, matibay, at ligtas na tulay ayon sa Tidurise FB Page.

Pagdidiin pa nito na huwag ng sanang hintayin na mayroong mapahamak o malagas na buhay bago mabigyan ng pansin ang suliranin na kanilang nararanasan.

Samantala, patuloy pang nakikipag-ugnayan ang Star FM Cotabato sa MPW-BARMM at sa OCM upang maipaabot ang panawagan ng ating mga kababayan sa nabanggit na lugar.