Pinagbabaril ang isang lalaki sa kasagsagan ng malakas na ulam kagabi sa Purok Adil, Esteros, MB Tamontaka, Cotabato City.

Kinilala ng presinto 3 ang biktima na si Jordan Ibad y Datucalo, nasa hustong gulang at residente sa nasabing barangay.

Sa inisyal na imbestigasyon, habang nakatayo ang biktima sa labas ng kanyang pamamahay, biglang dumating ang suspek at walang habas na pinagbabaril kasabay ang pagtakas nito.

Nagtamo ang biktima ng tama ng bala ng baril sa kaliwang kamay, kanang hita at baywang. Agad namang isinugod sa pagamutan ang biktima habang mabilisang ikinasa ng pulisya ang hot pursuit para sa agarang pagkadarakip ng suspetsado.

Narekober naman sa pinangyarihan ang basyo ng kalibre 45 pistola na pinaniniwalaang ginamit ng salarin sa krimen.

Ito ang magkasunod na kaso ng shooting spree ngayong linggo lamang sa siyudad sa gitna ng pinaigting na pagbabantay ng kapulisan at ng pamahalaang lungsod kontra kriminalidad.