Patay ang isang lalaki habang isa ang sugatan matapos ang banggaan sa pagitan ng isang topdown tricycle at armored truck sa national highway ng Purok 9, Barangay Poblacion, Tupi, South Cotabato, pasado ala-1:00 ng hapon nitong Martes, Setyembre 30, 2025.

Ayon sa ulat ng Tupi PNP, patungo sana sa Koronadal mula General Santos ang armored truck na pagmamay-ari ng Davao Security and Investigation Agency (DASIA) nang biglang lumiko pakaliwa ang topdown tricycle na minamaneho ni alias Lester, 22-anyos, residente ng Banisilan, North Cotabato.

Sugatan naman ang angkas nito na si alias Mark, 20-anyos, mula sa Tupi.

Agad silang dinala ng MDRRMO responders sa municipal hospital ngunit idineklara nang dead on arrival si Lester ng doktor na sumuri sa kanya. Tinatayang nasa ₱30,000 ang halaga ng pinsala sa parehong sasakyan.

Kusang sumuko sa awtoridad ang driver ng armored truck na si alias Virgilio, 53-anyos, ng Pigcawayan, North Cotabato. Siya ngayon ay nasa kustodiya ng Tupi PNP habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kanya.