Nasawi ang isang miyembro ng pulisya at isa pang sibilyan matapos silang tambangan ng mga armadong salarin sa Brgy. Paglamatan, bayan ng Saguiaran, Lanao del Sur madaling araw ng Sabado, Marso 28, 2026.

Kinilala ang pulis na biktima bilang si PCpl Walid Buleg Sangcopan, 42-anyos, na nakatalaga sa Philippine National Police at residente ng Bayang, Lanao del Sur. Samantala, ang kanyang kasama ay isang 27-anyos na lalaki na tinukoy lamang sa alyas na “JR,” na mula sa Bukidnon.

Sa paunang imbestigasyon, lulan ang dalawa ng isang kulay abong Toyota Innova nang sila ay paulanan ng bala gamit ang kalibre .45 na baril.

Sinubukan pang makalabas ng sasakyan ang pulis ngunit hindi na ito nakaligtas sa tinamong mga tama ng bala. Ang kanyang kasama naman ay natagpuang wala nang buhay sa loob ng sasakyan.

Ayon sa pulisya, posibleng dalawa hanggang apat na suspek na sakay ng motorsiklo ang nasa likod ng pag-atake.

Agad namang kumilos ang mga awtoridad sa pamamagitan ng hot pursuit operations at paglalagay ng checkpoints sa mga kalapit na lugar. Patuloy ding sinusuri ang mga kuha ng CCTV upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin, habang nagpapatuloy ang masusing imbestigasyon sa insidente.