Nakatikim ng mariing pagkundena kay mismong Senadora Imee Marcos ang biglaang pagtigil ng Commission on Elections o COMELEC sa paghahanda nito para sa First Bangsamoro Parliamentary Elections na nakatakda sa Oktubre 13.
Sa babala nito, mayroon tila aniyang pwersa ng kadiliman o dark forces na kumikilos upang maipagpaliban ang eleksyon.
Dagdag ni Senadora Marcos, malinaw na ang TRO na inilabas ng korte suprema ay limitado lamang sa usapin ng kontrobersyal na BAA 77 o redistricting at hindi nito saklaw ang mismong Bangsamoro Parliamentary Elections.
Pagtataka ng senadora, bakit aniya apurado ang pollbody na hindi ituloy ang halalan sabay kwestyon naman sa desisyon nito na ihinto ang preparasyon sa First BPE at ituloy naman ang paghahanda sa Barangay at SK Elections na ayon sa batas ay dapat gawin sa 2026.
Hamon ng mambabatas sa pollbody, maging tapat aniya at malinaw sa publiko sapagkat ang pagkaantala umano sa halalan ay maari aniyang magbunsod ng malawak na kaguluhan at malawak na pinsala sa kapayapaan na tinatamasa ng rehiyon.
Sa huli, iginiit ni Senadora Marcos na matagal na aniya hinintay ng mga taga BARMM ang karapatan na mamili ng sarili nitong mga lideres at wag sanang nakawin ng kalituhan at pansariling interes ng mga nakakubling pwersa ang karapatan na ito.