Walang dapat ikabahala ang mga taga-Cotabato City kaugnay sa ipinatutupad na mas pinaigting na seguridad sa lungsod, partikular sa Barangay Rosary Heights 5.

Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cotabato kay Cotabato City Police Office Spokesperson Lt. Rochelle Evangelista, sinabi nitong ang hakbang ay alinsunod sa Executive Order na nilagdaan ni City Mayor Bruce Matabalao bilang tugon sa insidente ng pamamaril sa barangay.

Ayon kay Evangelista, simula noong June 14, 2025, ipinatutupad na ang “isolated lockdown” sa RH5. Sa ilalim ng kautusan, mahigpit na babantayan ng mga otoridad ang lahat ng lagusan at labasan ng barangay mula alas-10 ng gabi hanggang alas-4:30 ng umaga.

Nangunguna sa pagpapatupad ng lockdown ang Cotabato City Police, katuwang ang iba’t ibang security forces tulad ng Philippine Marines at City LGU QRT. Layunin ng hakbang na tiyaking ligtas at maayos ang daloy ng mga tao sa loob at labas ng barangay.

Tiniyak ni Evangelista na hindi magiging mahigpit sa mga residente hangga’t sumusunod ang mga ito sa mga alituntunin ng executive order.

Asahan na rin ng mga taga-RH5 ang 24-oras na seguridad gaya ng foot at mobile patrol, checkpoints, at masinsinang pagbabantay sa buong barangay.